ALCANTARA, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang batang babae matapos mahulog sa isang tulay at malunod dakong 4:00 ng hapon ng Setyembre 17, 2023 sa Barangay San Roque, Alcantara, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Miley Nicole Candolita Moreno, 6 na taong gulang at nakatira sa Barangay San Roque, Alcantara, Romblon.
Ayon sa ulat ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS), ang biktima at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Vee Alyssa Candolita, 9 na taong gulang, ay naglalaro sa beach sa nasabing lugar. Sila ay pinayuhan ng kanilang lola na si Thelma Viola Candolita na umuwi na sa kanilang bahay kung saan ay sumunod naman ang dalawang bata at pagdating sa lumang tulay ang biktima ay napadaan sa tabi ng tulay at aksidente itong nadulas at nahulog sa tubig. Sinikap naman itong tulungan ng kanyang kapatid na si Vee Alyssa ngunit bigo itong mailigtas ang biktima. Humingi ito ng tulong sa kanilang kapitbahay na si Ginoong Lordgie Liberato at natagpuan naman ang biktima at naiahon mula sa tubig.
Pagkatapos na dumating ang ambulansiya na kanilang tinawagan ay dinala ang biktima sa Don Modesto Formilliza Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc, Romblon para malapatan ng kaukulang lunas, ngunit idineklara itong wala nang buhay (DOA) ng sumuring doktor. (AMM)







Add Comment