ODIONGAN, Romblon – Arestado ang isang 35 anyos na binata sa ikinasang buy-bust operation ng kapulisan laban sa ilegal na droga dakong 9:00 kagabi, Disyembre 22 sa Sitio Torrel Looban, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nagsagawa ng pinagsanib na buy-bust operation ang Odiongan MPS MDEU (lead unit) at Romblon Provincial Mobile Force Company sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA na nagresulta sa pagkahuli sa suspek na si alyas “Joe”, 35 taong gulang, binata at residente ng Barangay Liwayway, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Odiongan MPS, nakabili umano ang isa nilang tauhan ng isang pirasong sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang ilegal na droga sa suspek kapalit ng limang daang piso (P500.00).
Nakumpiska rin sa suspek ang dalawa pang piraso na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang “shabu”, isang piraso ng aluminum foil na pinambalot ng nakumpiskang ilegal na droga at pera na halagang P500.00 na “marked money” ginamit sa buy-bust operation.
Ang pagimbentaryo, pagkuha ng mga ebidensya ay isinagawa sa harapan ng suspek na sinaksihan ng representante mula sa piskalya, opisyal ng barangay at kinatawan ng media.
Ang suspek ay dinala at isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa pamamagitan ng Inquest Proceeding sa Provincial Prosecutor’s Office sa Odiongan, Romblon.
Tumanggi naman ang suspek na lumagda sa dokumento ng imbentaryo at pinabulaanan ang paratang laban sa kanya. (RSun Staff)






Add Comment