CAJIDIOCAN, Romblon – Nasawi ang 63 anyos na lalaki matapos itong mabangga ng motorsiklo na minamaneho ng isang estudyante dakong 11:40 ng gabi ng Nobyembre 24, sa National Road ng Barangay Alibagon, Cajidiocan, Romblon.
Ang biktima ay senior citizen na 63 taong gulang, walang asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon habang ang suspek ay 21 taong gulang na estudyante ng Romblon State University San Fernando Campus, at nakatira sa Barangay Poblacion, San Fernando, Romblon.
Sa ulat ng Cajiidiocan Municipal Police Station, sakay ng biseklita na binabaybay umano ng biktima ang National Road mula Barangay Cambijang papunta sa Barangay Sugod, Cajidiocan, Romblon habang ang estudyante na sakay ng kulay itim na motorsiklong Keeway Euro na binabaybay ang parehong kalsada mula sa bayan ng Cajidiocan papunta sa bayan ng San Fernando.
Pagdating sa madilim na bahagi ng kalsada sa Barangay Alibagon, Cajidiocan, ay hindi napansin ng estudyante ang kasalubong na biktima na sakay ng biseklita na walang ilaw kung saan ay aksidenteng nabangga nito ang biseklita na sinasakyan ng senior citizen.
Dahil sa aksidente nagtamo ng matinding mga sugat sa katawan ang biktima gayundin ang estudyante na nagtamo ng sugat sa ulo at katawan.
Kapwa isinugod ang dalawa sa Sibuyan District Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Napag-alaman na binawian ng buhay ang matandang biktima. (RSun Staff)






Add Comment