Menor de edad na estudyante sinaksak ng vendor makaraang magtalo, sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Sugatan na dinala ng ospital ang isang menor de edad na estudyante matapos itong saksakin ng nakasagutan na vendor, kahapon ng 9:40 ng gabi, Agosto 5, 2025 sa Sitio Bagong Sikat, Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na isang 17 taong gulang na estudyante, binata at residente ng Sitio Torrel, Odiongan, Romblon habang ang suspek ay isang 23 anyos na vendor, binata, at residente ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.

Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, sa nasabing oras, petsa at lugar ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan ay nagtatambay umano sa tabi ng kalsada sa harap ng Cortez Motor Repair Shop nang dumating ang suspek at kinausap ang biktima.

Pagkaraan ng ilang minuto, ang biktima at ang suspek ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa mainitan nilang pagtatalo.

Nagalit umano ang suspek, bumunot ito ng patalim at dalawang beses na sinaksak ang biktima na tinamaan sa bandang likod at ulo.

Pagkatapos ng pangyayari ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang ginamit na patalim.

Isinugod naman ang biktima sa Romblon Provincial Hospital ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRMMO Odiongan para sa agarang medikal na atensyon.

Samantala, agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Odiongan MPS kung saan ay nahuli ang suspek sa kanilang bahay, ngunit hindi na narekober ang ginamit nitong armas.

Dinala ang suspek sa Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahanda ng Odiongan MPS na isampa sa Tanggapan ng Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment