MAGDIWANG, Romblon – Naghihimas ngayon ng malamig na bakal ang isang lalaki na top 4 most wanted person ng Bulusan, Sorsogon, matapos itong masakote ng kapulisan nitong Biyernes ng hapon, Hulyo 11, sa Sitio Agnocnoc, Barangay Tampayan, Magdiwang, Romblon.
Kinilala ng Magdiwang Municipal Police Station ang suspek na top 4 Most Wanted Person (municipal Level ng Bulusan MPS) na si Norjohn Espuelas Lobina, 26 taong gulang, magsasaka, at residente ng Group 9, Payatas B, Quezon City.
Si Lobina ay inaresto ng pinagsanib na tauhan ng Magdiwang MPS (Lead Unit), na pinamunuan ni PCPT Elena M. Gebana at ng Bulusan MPS sa pangunguna ni PSMS Rustan F. Baula at PSSG Eddie Escanilla sa bisa ng Warrant of Arrest na may petsa na Mayo 5, 2025 na inisyu ni Hon. Bernardo Rivera Jimenez, Executive Judge ng Regional Trial Court, Branch 54, Gubat, Sorsogon sa kasong Rape (RPC Art. 266-A) na naka docket bilang Criminal Case No. 4089.
Walang rekomendang piyansa ang Korte para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Ang hinuling suspek ay isinailalim sa kustodiya ng Magdiwang MPS at ihaharap sa nakasasakop na Korte para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff))






Add Comment