ODIONGAN, Romblon – Inaresto ng kapulisan ang isang casual na empleyado ng LGU Odiongan, matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation kaninang pasado 4:00 ng umaga, Mayo 22, sa Children Paradise Park, Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang suspek na si alyas “Bob” casual na empleyado ng munisipyo ng Odiongan, at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Odiongan MPS, isang pinagsanib na operasyon ang isinagawa ng Odiongan MPS-MDEU, (lead unit), katuwang ang PDEA Romblon, Romblon PMFC at Romblon PIU sa koordinasyon ng PDEA-MIMAROPA na nagresulta sa pagkahuli sa suspek.
Isang tauhan ng pulisya na umaktong poseur-buyer ang nakabili umano sa suspek ng isang heat sealed transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang “shabu” kapalit ang halagang P500 na mark money ng mga awtoridad.
Nakuha rin sa posisyon ng suspek ang dalawa (2) pang piraso ng heat sealed transparent sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang ilegal na droga, mga pera sa iba’t ibang denominasyon, coin purse, atbp.
Ang pag imbentaryo, pagkuha ng litrato at ibedensya ay isinagawa sa harap ng suspek na sinaksihan ng opisyal ng barangay at kinatawan mula sa media.
Mahaharap sa kasong paglabag ang suspek sa Section 5 and 11 of Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa ng Odiongan MPS sa pamamagitan ng inquest proceeding sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon, (RSun Staff)







Add Comment