ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa paglabag sa RA 9165 ang isang binata matapos na masakote sa ikinasang buy-bust operation laban sa ilegal na droga kaninang 8:45 ng umaga, Abril 7 sa Sitio Highway, Barangay Progreso Este, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang suspek na si Cyrus F. Fabiculana, 26 taong gulang, binata, at residente ng Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon.
Ayon sa Odiongan MPS, ang pinagsanib na operatiba ng Odiongan MPS-MDEU (lead unit), at Romblon Provincial Mobile Force Company (RPMFC) sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA ay nagsagawa ng anti-illegal drug operation (buy-bust) na nagresulta sa pagkahuli sa nasabing suspek.
Isang tauhan ng pulisya na nagpanggap na poseur-buyer ang nakabili sa suspek ng isang piraso na heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu kapalit ang halagang isang libong piso na ginamit bilang “buy bust money.”
Agad umanong inaresto ang suspek matapos ang transaksyon.
Nakumpiska sa posisyon ng suspek ang dalawa pang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu, isang piraso na heat sealed transparent plastic sachet na may laman nang tuyong dahon na pinaghihinalaan na “marijuana”, pera at isang cellphone na redmi.
Ang pag imbentaryo at pagkuha ng litrato at ibendensiya ay ginawa sa harapan ng suspek na sinaksihan ng isang halal na barangay opisyal ng naturang barangay at kinatawan mula sa media.
Kasong paglabag sa Section 5 & 11 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon laban sa suspek.
Isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS ang suspek. (RSun Staff)







Add Comment