ALCANTARA, Romblon – Nahaharap sa kasong Frustrated Homicide ang isang construction worker matapos nitong saksakin ang kanyang kababayan dakong 9:00 ng gabi ng Enero 5, 2025 sa Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Joseph Catajay Enteria, 40 taong gulang, construction worker habang ang suspek ay kinilala na si Rex Madali Fernandez, 36 anyos, binata, construction worker at kapwa residente ng Barangay San Isidro, Alcantara, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station, bago ang nasabing insidente ay nasa loob ng kanyang bahay ang biktima. At noong pagbukas niya ng pinto para lumabas ng kanilang bahay ay bigla na lamang umanong lumitaw ang suspek at siya ay sinaksak.
Sinubukan umanong salagin ng biktima ang pananaksak ng suspek ngunit tinamaan pa rin ito sa bandang itaas ng kanyang labi at dibdib.
Agad naman itong umatras ay mabilis na isinara ang pinto sabay sigaw na humingi ng tulong sa kanyang asawa at tiyuhin.
Pagkatapos ng pananaksak ay mabilis na tumakas ang suspek dala ang ginamit na armas.
Dinala naman ang biktima sa Don Modesto Formilleza Memorial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Isang hot pursuit ang ikinasa ng nagrespondeng mga tauhan ng Alcantara MPS na nagresulta sa agarang pagkahuli sa suspek ngunit hindi na narekober ang ginamit nitong armas sa nasabing krimen.
Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng AMPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa naturang suspek.
Nasa ilalim ng kustodiya ng Alcantara MPS ang suspek para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)







Add Comment