ODIONGAN, Romblon – Kapwa dinala sa ospital ang batang menor de edad at ang senior citizen na nakabangga sa bata nitong umaga ng Enero 5, 2025, sa National Road ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon.
Kinilala ang suspek na nakabangga sa menor de edad na si Edgar Gamos Forcadas, 62 taong gulang, balo, walang trabaho at residente ng Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, sakay ng kanyang kulay pula na motorsiklong Suzuki Gixxer 150 si Forcadas at binabaybay ang National Road ng Barangay Anahao, Odiongan, Romblon papunta sa Poblacion ng bayan ng Odiongan.
Pagsapit sa harapan ng bahay ng pamilya Latac, hindi napansin ng bata ang papalapit na mabilis na motorsiklo na menamaneho ng suspek kung saan ay bigla itong tumawid ng kalsada.
Pagkapansin ng suspek sa tumawid na biktima ay agad itong nag preno, ngunit dahil sa mabilis na pagpatakbo ng motorsiklo ay lumihis ito at aksidenteng nabundol ang biktima.
Dahil sa pangyayari ay parehong tumilapon ang biktima at suspek sa kongkretong kalsada.
Nagtamo ng mga gasgas sa iba’t-ibang katawan ang biktima habang duguan naman sa ulo ang suspek na senior citizen.
Parehong isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang dalawa para sa kaukulang lunas.
Ang motorsiklo na nagtamo ng pinsala ay dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang dokumentasyon. (RSun Staff)







Add Comment