SAN ANDRES, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang umano’y suspek na nakipagbarilan sa pulis dakong 10:20 ng gabi ng Disyembre 25, 2024 sa Barangay Tan-agan, San Andres, Romblon.
Kinilala ng San Andres Municipal Police Station (SAMPS) ang biktima na si Roderick Mangao Laban, 44 taong gulang, may kinakasama, negosyante, habang ang suspek ay nakilala na si Rodolfo Falcunitin, 45 taong gulang , may-asawa, helper at parehong residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng San Andres MPS, ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan ay nag-iinuman sa kanyang bahay upang magdiwang ng kanyang kaarawan.
Habang nag-inuman, ang biktima at ang kanyang kinakasama ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawan na ikinairita ng suspek.
Lumabas umano ang suspek at nagpaputok ng baril.
Noong lumabas ang biktima at ang kanyang mga kaibigan para usisain ang sitwasyon ay binaril umano siya ng suspek kung saan ay masuwerting itong hindi tinamaan.
Tumakbo umano ang biktima at inireport ang pangyayari sa San Andres MPS.
Habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang nagrespondeng mga tauhan ng San Andres MPS na kasama ng biktima, ay tatlong beses umano silang binaril ng suspek na nagtatago sa puno ng niyog.
Agad naman umanong nag “cover” ang mga ito sa mga puno ng niyog at tiningnan kung saan naggagaling ang mga putok ng baril.
Muli umano nagpaputok ng baril ang suspek papunta sa direksyon ng biktima at kapulisan.
Gumanti rin umano ng putok ang mga pulis kung saan ay tinaman ang suspek sa kanyang tagiliran at mga paa.
Noong huminto na sa pamamaril ang suspek ay pinuntahan ito ng mga pulis at dinis-armahan.
Narekober ng mga awtoridad sa sugatang suspek ang isang caliber .38 revolber na baril.
Agad namang isinugod ang suspek sa San Andres District Hospital sakay ng ambulansya ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuri na doktor. (RSun Staff)







Add Comment