Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Dahil sa selos, estudyante nasawi sa suntok ng menor de edad - Romblon Sun
Home » Blog » Dahil sa selos, estudyante nasawi sa suntok ng menor de edad

Dahil sa selos, estudyante nasawi sa suntok ng menor de edad

SAN FERNANDO, Romblon – Binawian ng buhay ang isang lalaking estudyante matapos itong makipagsuntukan sa isang grade 10 na estudyante nitong nakalipas na gabi sa Sitio Pinabayaan, Barangay España, San Fernando, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na isang 19 anyos na estudyante at residente ng Barangay Taclobo, San Fernando, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na 16 taong gulang, Grade 10 at residente ng Barangay Mabini, San Fernando, Romblon.

Base sa ulat ng San Fernando Municipal Police Station, ang biktima na umano’y naka inom ng alak ay pumunta sa bahay ng kanyang kaibigan dakong 2:00 ng hapon ng nasabing araw kasama ang kanyang kasintahan na menor de edad.

Nakatagpo umano nila doon ang suspek at nakipag-inuman sa apat pang naroon.

At habang nag-iinuman, ang biktima at ang suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa selos at dating alitan.

Napagpasyahan umano ng dalawa na daanin sa suntukan ang kanilang hidwaan sa gitna ng kalsada.

Kahit na inaawat ang dalawa ng kanilang mga kasamahan ay patuloy pa rin ang mga ito sa sapakan.

Tinamaan umano ng suntok ng suspek ang biktima sa kanang panga at dahilan para ito bumagsak sa kongkretong kalsada.

Sinundan pa umano ito ng sunod-sunod na buntal ng suspek sa ulo ng biktima hanggang sa mawalan ito ng ulirat.

Sinubukan naman ng kanilang mga kasamahan na bigyan ng first aid ang biktima at napagpasyahan na dadalhin sa kanilang bahay kung saan ay dumating naman ang kapulisan at agad na isinugod sa Rural Health Unit ng San Fernando ang biktima.

Dakong 8:00 ng gabi ng naturang araw ay dineklarang patay na ang biktima ng sumuring doktor.

Samantala, tumakas umano ang suspek sa hindi batid na direksyon pagkatapos na naturang insidente at nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad sa ikahuhuli ng suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment