SAN ANDRES, Romblon – Duguan sa ulo na dinala sa ospital ang isang nanay matapos batuhin at tinangkaan pang tagain ng kanyang anak na lalaki nitong tanghali ng nakalipas na araw sa Sitio Cabugao, Barangay Mabini, San Andres, Romblon.
Ang biktima ay isang 73 taong gulang, habang ang suspek ay 45 anyos, binata, construction worker at parehong residente ng Sitio Cabugao, Barangay Mabini, San Andres, Romblon.
Sa ulat ng San Andres Municipal Police Station, dakong 12:10 ng hapon habang naghahanda ng kanilang pananghalian ang biktima, ay sinabi umano ng suspek sa kanyang ina na handa nang isabong ang kanyang sasabunging manok.
Sumagot umano ang biktima na wala silang pera. Dahil dito nagalit umano ang suspek sa kanyang narinig sa ina at kumuha ito ng bato at ipinukol sa kanyang nanay na tinamaan sa ulo at dahilan para ito ay matumba.
Hindi pa nakuntento ang suspek ay kumuha ito ng gulok upang tagain ang kanyang ina ngunit napigilan ito ng isang tao na pipi (PWD) na nagkataon na nanduon sa pangyayari at naagaw nito ang gulok sa suspek.
Tumakbo naman ang biktima papunta sa kanilang kapitbahay na barangay kagawad at humingi ng tulong kung saan ay dinala ang biktima sa San Andres Municipal Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.
Samantala, dinakip naman ng mga tauhan ng San Andres MPS ang suspek at isinailalim sa kanilang kustodiya.
Kasong Attempted Parricide ang inihahandang isampa ng San Andres MPS sa Tanggapan ng Piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)







Add Comment