BANTON, Romblon – Diretso sa kulungan ang isang lalaki na ika-3 sa most wanted person sa lalawigan ng Romblon matapos hulihin ng kapulisan dakong umaga ng Nobyembre 6, 2024 sa Barangay Poblacion, Banton, Romblon.
Ang lalaking dinakip ay kinilala na si Felix Lumage Delos Santos, 42 taong gulang, binata, laborer at residente ng Barangay Nasunogan, Banton, Romblon.
Si Delos Santos na ika-3 sa listahan ng Most Wanted Person sa Romblon PPO (Provincial level) ay inaresto ng pinagsanib na operatiba ng Banton Municipal Police Station (lead unit) kasama ang mga tauhan ng PIU Romblon at Banton Maritime Group sa bisa ng Warrant of Arrest na inisyu noong Nobyembre 4, 2024 ni Hon. Donna Borda Pascual, Acting Presiding Judge ng Regional Trial Court, Branch 81, Romblon, Romblon sa kasong Rape (RPC Art. 266-A) sa ilalim ng Criminal Case No. 4189-24.
Walang rekomendang piyansa ang Korte para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Isinailalim sa kustodya ng Banton MPS ang hinuling lalaki. (RSun Staff)








Add Comment