Home » Blog » Ginang na nabigong mag-aboard, natagpuang nakabitin sa kanilang bahay sa Calatrava, Romblon

Ginang na nabigong mag-aboard, natagpuang nakabitin sa kanilang bahay sa Calatrava, Romblon

CALATRAVA, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang ginang na natagpuang nakabitin sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay dakong 4:00 ng hapon ng Setyembere 12, 2024 sa Barangay Pangulo, Calatrava, Romblon.

Ang biktima ay isang 38 taong gulang, may kinakasama, walang trabaho at residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng Calatrava Municipal Police Station, isang tawag umano ang kanilang natanggap tungkol sa pagpatiwakal ng biktima.

Agad namang nagresponde ang kanilang mga tauhan at kanilang nadatnan ang nakabitin na katawan ng biktima sa loob ng kuwarto ng kanilang bahay na may nakapulupot na lubid sa leeg.

Hindi nagtagal ay dumating ang asawa ng biktima at kanilang pinutol ang nakataling lubid sa leeg saka isinailalim sa first aid sa tulong ng mga tauhan ng RHU ngunit nanatiling walang malay ang biktima.

Kanila itong dinala sa Rural Health Unit ng Calatrava at kalaunan ay isinugod sa San Andres Municipal Hospital kung saan ay dineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor na naka duty.

Napag-alaman na bago ang naturang insidente, ay problemado umano ang biktima dahil sa mayroon itong mga babayarang hiram na pera sa iba’t-ibang institusyon na nagpapa-utang at ang paraan lamang na mabayaran ito ay ang makapagtrabaho bilang OFW sa ibang bansa.

Ngunit habang nilalakad nito ang proseso ng kanyang aplikasyon, ang biktima ay bumagsak sa medical eksaminasyon na naging dahilan na nagbigay umano sa biktima ng kawalan ng pag-asa. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment