ODIONGAN, Romblon – Opisyal na nagdeklara si Vice Mayor Diven Dimaala na tatakbo sa pagka-alkalde ng bayan ng Odiongan sa darating na eleksyon sa susunod na taon.
“Ang posisyon ng meyor ay magiging bakante, kaya nagpasya ako na tatakbo sa pagka Mayor ng bayan ng Odiongan ngayong darating na halalan,” pahayag ni Vice Mayor Dimaala sa lokal na media.
Ayon kay Vice Mayor Diven, desidido na umano siya sa kanyang paglaban bilang punong bayan ng Odiongan kahit sino pa ang kanyang magiging katungali.
“Wala nang lingon-lingon pa, kahit sino ang kalaban ay tuloy ang aking pagtakbo”, ayon kay Vice Mayor Diven.
Aniya pa, mahaba na umano ang kanyang karanasan sa larangan ng pagsilbi sa bayan kung saan ay una siyang nahalal bilang nag-iisang konsehal na nanalo sa ilalim ng tiket ni dating Vice Mayor Bords Reyes na kumandidato sa pagka Alkalde noong taon 2004.
Dagdag pa ni Vice Mayor Dimaala, umabot na umano sa labingwalong (18) taon ang kanyang paglilingkod sa bayan ng Odiongan bilang naluklok na miyembro ng sangguniang bayan at naging bise alkalde hanggang sa kasalukuyan.
Kung papalarin aniya, pagtutuunan umano nito at iprayuridad ng programang pangkalusugan.
Itutuloy rin nito ang mga programa ng kasalukuyang administrasyon kung saan ay kasama umano siya sa pagplano at pag-apruba nito bilang Bise Alkalde ng bayan ng Odiongan. (RSun Staff)








Add Comment