SAN JOSE, Romblon – Nasa ilalim ng pangangalaga ng Lokal na Pamahalaan ng San Jose, Romblon ang 10 katao na sakay ng lumubog na MBCA Urimy at isa pang bangka na walang pangalan na narescue ng mga awtoridad dakong 1:40 ng hapon ng Agosto 27, 2024 sa Sitio Tipocpoc, Barangay Busay, San Jose, Romblon.
Kinilala ng San Jose Municipal Police Station ang mga nailigtas na sina Jonald Patricio, 33 taong gulang, Boat Captain ng MBCA Urimy, Gary Patricio, 43, kapwa residente ng Caluya, Antique, Arnold Terelyos, 35, Joseph Terelyos, 28, parehong residente ng Silang, Cavite, Luisa Ojano, 47, Jarenz Bernal, 16, Alvin Salodes, 30, Boat Captain, pawang nakatira sa Caluya, Antique, Rhea Noticion De Vera, 25, taga San Jose Occidental Mindoro, Frederick Lompero, 34, tubong Bicol at Arnel Belleca, 53, residente ng Mountain View, Bangkal, Davao City.
Base sa ulat ng San Jose MPS, nagsagawa ng patuloy na search and rescue operation ang kanilang mga tauhan sa pamumuno ni PMaj Francis Rey Manito, ACOP, kasama ang MDRRMO ng San Jose sa pangunguna ni Ms Amy Visca at Philippine Coast Guard Boracay kung saan ay kanilang natagpuan ang isang pasahero ng MBCA Urimy at anim (6) mula sa walang pangalan na kulay puti at blue na bangka na nagbiyahe mula sa Boracay papunta sa isla ng Caluya.
Ayon sa San Jose MPS, nasa sampu (10) pang pasahero ng MBCA Urimy ang hindi pa nakikita.
Patuloy pa umano ang pangangalap nila ng impormasyon at pakipag-ugnayan sa ibang ahensya ng gobyerno tungkol sa kalagayan ng mga biktima at sa posibleng gagawin na rescue operation. (RSun Staff)








Add Comment