Home » Blog » Lalaki tinaga ng kanyang kapatid sa Odiongan, Romblon, naospital

Lalaki tinaga ng kanyang kapatid sa Odiongan, Romblon, naospital

ODIONGAN, Romblon – Sugatan sa likod na isinugod sa ospital ang isang lalaki na tinaga ng kanyang nakatatandang kapatid nitong umaga ng Hulyo 29, sa Sitio Mainit, Barangay Pato-o, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Alexander Forio Fetalcurin, 29, binata, negosyante, habang ang itinuturong suspek ay ang kapatid nito na si Alfei Forio Fetalcurin, 34, binata, walang trabaho at kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa imbestigasyon, ng Odiongan Municipal Police Station, nagkaroon umano ng sagutan sa pagitan ng biktima at ng suspek tungkol sa manukan na nasa kanilang bakuran.

Nagalit umano ang suspek at binunot nito ang kanyang gulok at tinaga ang kanyang nakababatang kapatid na tinamaan sa bandang likuran.

Tumakbo naman ang biktima palayo sa suspek at pumunta at nagsumbong sa Odiongan Municipal Police Station sa bayan.

Dinala ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang biktima sa Romblon Provincial Hospital para malapatan ng kaukulang lunas.

Samantala, hinuli ng kapulisan ang suspek sa kanyang bahay at dinala sa himpilan ng OMPS. Narekober din sa kanyang posisyon ang ginamit na armas sa krimen.

Napag-alaman sa nakalipas na araw ay nagkasagutan umano ang dalawa tungkol sa nasabing manukan.

Kinabukasan, nagbanta umano ang nakainom na suspek na kanyang tatagain ang biktima kung sakali na muli itong kukulitin tungkol sa nasabing “poultry farm”.

Kasong Frustrated Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment