Magkabarangay na nagtalo sa inuman, nauwi sa muntik nang saksakan

ROMBLON, Romblon – Nahaharap sa kasong attempted homicide ang isang lalaki matapos nitong undayan ng saksak ang nakadiskusyunan sa isang inuman nitong gabi ng Mayo 12 sa Sitio Lusod, Barangay Cajimos, Romblon, Romblon.

Kinilala ng Romblon Municipal Police Station (RMPS) ang biktima na si Gener Malupa Relox, 36, may-asawa, Du-ek-Sam technician, habang ang suspek ay napag-alaman na si Shernan Madamo, 21, binata, walang trabaho at parehong residente ng nasabing barangay.

Base sa imbestigasyon ng Romblon MPS, ang biktima at ang suspek kasama ang kanilang mga kaibigan ay nagkainuman malapit sa dalampasigan ng naturang barangay.

Sa kanilang pag-inuman ay nagkaroon umano ng mainitang patatalo sa pagitan ng suspek at biktima.

Umuwi umano ang suspek at pagkalipas ng ilang sandali ay bumalik ito na may dala nang patalim at biglang inundayan ng saksak ang biktima. Masuwerte namang nakailag ang biktima.

Dahil sa kaguluhan, nakatawag ito ng pansin sa Punong Tanod ng naturang barangay na si Joel Sambrona na siyang nakipagbuno sa suspek, katulong ang isa pang sibilyan hanggang sa kanilang nakuha ang patalim sa suspek.

Hinuli ang suspek ng mga nagresponding mga tauhan ng Romblon MPS at dinala ito sa kanilang himpilan kasama ang ginamit na patalim sa nabigong pananaksak.

Kasong Attempted Homicide ang inihahandang isampa ng Romblon MPS sa piskalya laban sa suspek. (RSun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment