Lay Minister, patay matapos na masagi ng jeep ang minamanehong motorsiklo sa San Agustin, Romblon

SAN AGUSTIN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang Lay Ministry ng Christian Catholic Church  matapos na mahagip ng pampasaherong jeep ang sinasakyang motorsiklo dakong 11:15 ng umaga kahapon, Mayo 12 sa National Road ng Barangay Dona Juana, San Agustin, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Romeo Dela Cruz Manliguez, 74 anyos, may-asawa, Lay Ministry ng Christian Catholic Church at residente ng Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Pepito Urenia Ganotice, 50 taong gulang, may-asawa, driver at nakatira sa Barangay Cabolutan, San Agustin, Romblon.

Sa ginawang imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, sakay umano ng motorsiklong Honda XRM na binabaybay ng biktimang si Manliguez ang National Road ng Barangay Dona Juaña, San Agustin, Romblon papunta sa direksyon ng Poblacion ng San Agustin, Romblon habang papunta naman sa parehong direksyon ang pampasaherong jeep na minamaneho naman ng suspek na si Ganotice.

Pagdating sa lugar ng insidente, nag over-take umano ang jeep sa isang tricycle na nasa kanyang unahan at sa bilis umano ng pagpatakbo ng tsuper sa sasakyan ay nawalan umano ito ng kontrol sa manibela at aksidente nitong nabangga ang hulihang bahagi ng motorsiklo na sinasakyan ng biktima.

Dahil sa pangyayari ay natumba ang motorsiklo at kasamang tumilapon ang biktima sa kongkretong kalsada.

Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na dinala sa Romblon Island District Hospital sa bayan ng San Agustin, Romblon, ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor.

Ang sangkot sa aksidente na sasakyan ay dinala at isinailalim sa kustodiya ng San Agustin MPS.

Boluntaryo namang sumuko ang drayber ng pampasaherong jeep sa San Agustin MPS. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment