SANTA FE, Romblon – Wala nang buhay ng makarating sa ospital ang isang lalaki na binaril ng nakainuman na kamag-anak kaninang 3:30 ng hapon, Mayo 5, sa Sitio Cahawagan, Barangay Tabugon, Santa Fe, Romblon.
Kinilala ng Santa Fe Municipal Police Station ang biktima na si Josue Fernando Magbanua, Jr., 46, may-asawa, laborer at residente ng Barangay Tabugon, Santa Fe, Romblon habang ang suspek ay nakilala na si Arvin Soriano Fernando, 35 anyos, may-asawa, tindero ng taho, at nakatira sa Barangay Manhac, Looc, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Santa Fe MPS, ang biktima, at ang suspek kasama ang dalawa pang lalaki ay nag-iinuman umano sa bisinidad ng bahay ni Sangguniang Bayan Member Fernando Fernando ng bayan ng Santa Fe, Romblon.
Habang nag-iinuman, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng suspek.
Binunot umano ng suspek ang kanyang dalang baril at pinaputukan ang biktima na tinamaan sa tiyan.
Agad na isinakay ang biktima sa pribadong sasakyan at isinugod sa Don Modesto Formilleza Jr. Memorial Hospital ng kanyang mga kapitbahay, ngunit idineklara itong “dead on arrival” na sumuring doktor ng nasabing hospital.
Samantala, tumakas ang suspek pagkatapos ng pangyayari papunta sa direksyon ng Looc sakay ng kanyang motorsiklo.
Ikinasa naman ng Santa Fe MPS ang dragnet operation kung saan ay nahuli ang suspek dakong 5:10 ng hapon sa Barangay Manhac, Looc, Romblon ng pinagsanib na tauhan ng Santa Fe MPS, RPMFC at Looc MPS.
Kasong Murder ang inihahandang isampa ng Santa Fe MPS sa tanggapan ng Provincial Prosecutor’s laban sa suspek. (AMM)






Add Comment