Tricycle driver arestado sa buy-bust operation ng ilegal na droga sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isang tricycle driver matapos itong mabilhan ng ilegal na droga kaninang 11:20 ng umaga, Abril 25, sa Sitio Purok Daisy, Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon.

Ang suspek ay nakilala na si Jessie Fradejas Villanueva, 54 taong gulang, tricycle driver, at residente ng Barangay Tumingad, Odiongan, Romblon.

Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), ang pinagsanib na operatiba ng MDEU ng Odiongan MPS (lead unit), sa koordinasyon ng PDEA MIMAROPA, HPG Romblon at Romblon PMFC ay nagsagawa ng Anti-Illegal Drug Operation (Buy-bust).

Isang pulis na nagpanggap na buyer ang nakabili sa suspek ng isang plastic sachet na may laman na puting pulbos na pinagdududahang “shabu”.

Matapos ang transaksyon ay agad na hinuli ng mga awtoridad ang suspek.

Nakuha pa sa posesyon ng suspek ang isa pang plastic sachet na may laman na pinagdududahang shabu, at mga perang papel at barya kasama na ang ginamit sa buy-bust operation.

Ang pag-imbentaryo at pagkuha ng mga litrato at ebidensya ay ginawa sa harap ng suspek at sinaksihan ng opisyal ng barangay, isang representante mula sa NPS at isa rin mula sa media.

Kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahanda ng Odiongan MPS na isampa sa tanggapan na piskalya laban sa nahuling suspek. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment