SAN FERNANDO, Romblon – Nakita na lamang na nalutang sa ilog sa ilalim ng tulay ang walang buhay na katawan ng lalaki na umano’y nakasagi sa tatlong estudyante sa tabi ng kalsada dakong 8:00 kagabi, Marso 29, 2024 sa Barangay Agtiwa, San Fernando, Romblon.
Ang tatlong estudyante ay kinilala na sina Paulo Gusi Pantia, 18 taong gulang, Christian Rioja Rona, 20 anyos, at Jose Mangarin Garcia, 22 taong gulang, pawang mga binata at residente ng Barangay Agtiwa, San Fernando, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Arnold Rones Magallan, 29 anyos, may kinakasama, magsasaka at kabarangay ng mga biktima.
Ayon sa San Fernando Municipal Police Station, ang tatlong estudyante ay nakaupo umano sa tabi ng kalsada habang gumagamit ng kanilang cellphone, at ang suspek naman ay sakay ng kanyang motorsiklong RUSI Delta 110 na binabaybay ang National Road ng Barangay Agtiwa, San Fernando, Romblon papunta sa direksyon ng bayan ng Magdiwang, Romblon.
Pagsapit ng lugar ng insidente ay nawalan umano ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo ang nakainom umanong suspek na mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan at aksidenteng nasapol ang mga biktima na nakaupo sa tabi ng kalsada.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tatlong estudyante na dinala sa Rural Health Unit ng San Fernando, Romblon.
Tumakas umano ang suspek sa hindi batid na direksyon sakay ng kanyang motorsiklo.
Nagsagawa naman ng follow-up na imbestigasyon ang San Fernando MPS para matukoy at makilala ang suspek.
Dakong 11:40 ng gabi ng nasabing petsa nakita ang walang buhay na katawan ng suspek ng kanyang mga kamag-anak na nakalutang sa ilog sa ilalim ng tulay ng Barangay Agtiwa na pinaniniwalaan na aksidenteng nahulog sa tulay dahil sa madilim sa naturang lugar at tuluyang nalunod.
Ang bangkay ng biktima ay dinala sa RHU San Fernando, Romblon para isailalim sa post mortem na pagsusuri.
Samantala ang sangkot sa aksidente na motorsiklo ay dinala sa himpilan ng San Fernando MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)






Add Comment