Lalaki na sakay ng scooter sumalpok sa sinusundan na lumikong tricycle, drayber parehong naospital

ROMBLON, Romblon – Kapwa dinala sa ospital ang dalawang drayber na sangkot sa aksidente nitong hapon ng Marso 26 na nangyari sa Barangay Poblacion II, Romblon, Romblon.

Ang mga naaksidente ay nakilala na sina Allan Wilkinson Malacapo, 47 anyos, binata, walang trabaho, walang lisensya sa pagmamaneho at residente ng Barangay Poblacion IV, Romblon, Romblon, at Tony LLigo Tañu-an, 59 anyos, may-asawa, tricycle driver at nakatira sa Barangay Capaclan, Romblon, Romblon.

Base sa imbestigasyon ng Romblon Municipal Police Station, sakay ng motorsiklong Beat Street scooter ay binabaybay umano ni Malacapo ang Moro Street mula sa Barangay Poblacion II, Romblon, Romblon papunta sa Barangay Poblacion IV, Romblon, Romblon habang si Tañu-an naman ay sakay ng kanyang motorsiklong Honda TMX na may sidecar na binabaybay ang parehong direksyon at nauna kay Malacapo.

Pagdating sa lugar ng insidente ay bigla na lamang umanong lumiko pakaliwa na walang signal o senyas ang tricycle ni Tañu-an kung saan ay direkta itong nasalpok ng nakasunod na scooter na minamaneho ni Malacapo.

Kapwa sugatan sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawa na tumilapon sa kongkretong kalsada at pareho ring isinugod sa Romblon District Hospital ng mga lokal na residente sa naturang lugar.

Ang dalawang sangkot na sasakyan ay dinala sa himpilan ng Romblon MPS para sa kaukulang disposisyon. (TMM)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment