CALATRAVA, Romblon – Isang mangingisda ang nakita na wala ng buhay sa kanyang bangka dakong 12:45 ng hapon, kahapon, Pebrero 16, 2024 sa karagatan na sakop ng Sitio Punta, Barangay San Roque, Calatrava, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Dante Fabito Falcunit, 51 taong gulang, may-asawa, mangingisda at residente ng Barangay Pangulo, Calatrava, Romblon.
Ayon sa ulat ng Calatrava Municipal Police Station, habang nasa dalampasigan ng nasabing barangay sina Ginoong Edgar Frogosa Ferrancullo at Nelson Resano Fabito napansin ng dalawa ang palutang-lutang na kulay puti at green na bangkang de motor na may layo na 30 metros sa kanilang kinaroroonan.
Dala ng kuryusidad ay nilapitan nila ang naturang bangka at kanilang nakita ang walang malay na biktima. Agad nilang hinila ang lubid ng bangka palapit sa dalampasigan at humingi ng tulong.
Dumating naman kaagad ang nagrespondeng mga tauhan ng Philippine Coast Guard at sinubukang bigyan ng first aid ang biktima at dinala sa Rural Health Unit ng Calatrava ngunit idineklara itong dead on arrival (DOA) ng sumuring doktor na si Dr. Renato Menrege, Jr.
Base sa pagsusuri, ang dahilan ng pagpanaw ng biktima ay atake sa puso.
Ayon sa asawa ng biktima na si Emily Falcutila Falcunit, umalis umano sa kanilang bahay ang biktima dakong 5:00 ng umaga para mangisda.
Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa paligid, ay wala naman silang nakitang palatandaan na may foul play na naganap sa naturang lugar. (Romblon Sun Staff)







Add Comment