SAN ANDRES, Romblon – Sa ospital ang bagsak ng mga sakay sa banggaan ng motorsiklo at biseklita nitong 6:45 ng hapon ng Enero 23, 2024 sa National Road ng Barangay Calunacon, San Andres, Romblon.
Ang biktima na sakay ng biseklita ay nakilala na si Dionito Gacilos Marcelino, 66 anyos, may-asawa, walang trabaho,at residente ng Barangay Calunacon, San Andres, Romblon habang ang suspek na nakabangga sa biktima ay si Melvin Castillo Solabo, 33 taong gulang, binata, construction worker, at residente ng Barangay Marigondon Sur, San Andres, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng San Andres Municipal Police Station, ang biktima ay sakay umano ng kanyang biseklita at binabaybay ang national road ng Barangay Calunacon, San Andres, Romblon papunta sa direksyon ng Barangay Linawan, San Andres, Romblon. Habang ang suspek naman na umano’y nakainom ng alak ay sakay ng kanyang motorsiklo na Uero Keeway 125, kasama ang angkas na si Gene Mangoba Gamo, 28 anyos, binata, construction worker, at kabarangay ng suspek, ay binabaybay ang kabilang linya sa kasalungat na direksyon.
Pagdating malapit sa Obrique’s Eatery, ay napagawi umano ang motorsiklo ng suspek sa kabilang linya at nasalpok ang kasalubong na biseklita na sinasakyan ng biktima kung saan ay parehong tumilapon sa kongretong kalsada ang biktima at ang suspek kasama ang angkas nito.
Dinala ng nagresponding tauhan ng MDRRMO San Andres at BFP San Andres ang mga sugatan at duguan sa naturang aksidente sa San Andres District Hospital para malapatan ng pangunahing lunas.
Ang mga behikulo na nagtamo ng hindi pa batid na pinsala na sangkot sa nasabing sakuna ay dinala sa San Andres MPS para sa kaukulang dokumentasyon. (RSun Staff)






Add Comment