ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o Illegal Possession of Bladed Weapon ang dalawang lalaki na suspek sa panggugulo dakong 2:00 ng madaling araw kanina, Enero 24, 2024 sa Firmalo’s Boulevard, Tabing-Dagat, Odiongan, Romblon.
Ang mga suspek ay kinilala na sina Jeremy Fajel Fajutina, 22 anyos, binata, walang trabaho at nakatira sa San Agustin, Romblon at Carlo Musa Marin, 18 taong gulang, binata, walang trabaho at residente ng Santa Maria, Romblon.
Sa ulat na Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na umano’y merong grupo ng kalalakihan na naghahagis ng mga walang laman na bote sa kalsada ng Barangay Tabing-dagat, Odiongan, Romblon.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Odiongan MPS at kanilang nakita ang grupo na gumagawa ng gulo. Hinabol ng kapulisan ang mga ito, hanggang sa naabutan at nahuli ang dalawang lalaking suspek.
Nakuha sa dalawang lalaki ang dalawang (2) patalim, isang (1) screw driver at isang (1) liyabe (wrench).
Ang mga suspek at ang nakuhang mga armas sa kanilang posisyon ay dinala sa himpilan ng Odiongan MPS para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon.
Inihahanda ng Odiongan MPS ang pagsampa ng kasong palabag sa BP 6 sa piskalya laban sa naturang mga suspek. (RSun Staff)






Add Comment