Tindahan sa Odiongan, Romblon pwersahang pinasok ng magnanakaw, pera at paninda tinangay

ODIONGAN, Romblon – Pinasok ng hindi pa nakikilalang magnanakaw ang isang sari-sari store nitong Enero 17, 2024 sa Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.

Ang may-ari ng ninakawan na tindahan ay nakilala na si Mary Janice Fabriquel, 42 anyos, may-asawa, negosyante at residente ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon habang hindi pa tukoy ang suspek na  nanloob sa tindahan.

Sa nakalap na imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), dakong 5:00 ng umaga ng Enero 17 ay magbubukas na umano ng kanyang tindahan ang biktima, pero napansin nito na ang harapang pinto ng kanyang sari-sari store ay bukas na at pinasok ng magnanakaw.

Sa kanyang pag-usisa ay natuklasan ng biktima na ang kanyang tatlong “piggy banks” ay nawawala. Kasama rin sa kinuha ng hindi pa kilalang magnanakaw ang siyam (9) na kaha ng sigarilyong “Marlboro”, limang (5) latang century tuna, at isang pares ng kulay gray na gomang sapatos.

Ayon sa biktima, ang halaga ng mga nawawala o ninakaw sa kanyang tindahan ay nagkahahalaga ng humigit kumulang sa sampung libong piso, (P10,000.00).

Ang suspek ay dumaan umano papasok at palabas sa harapang pinto sa pamamagitan ng pwersahang pagbukas ng pinto. Isang alambre na may haba na siyam na pulgada ang narekober sa labas ng tindahan na maari umanong ginamit sa pagbukas sa naturang pinto ng sari-sari store.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Odiongan MPS para matukoy ang posibleng pagkakakilanlan sa suspek sa pamamagitan ng pakipagkoordinasyon sa mga kalapit na establisemento na may nakakabit na CCTV na maaring nakakuha ng footages sa pagdaan ng suspek. (TMM)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment