ODIONGAN, Romblon – Mga sugatan na dinala sa Romblon Provincial Hospital ang driver ng motorsiklo at dalawang angkas nito matapos masagi ng Ford Ranger ang sinasakyang motorsiklo, dakong 3:00 ng hapon, Enero 10, 2024 sa National Road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon.
Kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang mga biktima na sakay ng motorsiklo na sina Marianito Castillo Dela Cruz, 64 taong gulang, may-asawa, driver, at residente ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon at ang dalawang pasahero nito na si Isabel Perez Fetalvero, 28 anyos, may-asawa, housewife at residente ng Barangay Batiano, Odiongan, Romblon at isang menor de edad.
Habang ang driver at may-ari ng Ford Ranger ay nakilala na si Juremie Toledo Ignacio, 46 anyos, may-asawa, empleyado ng gobyerno at nakatira sa Pinagsabangan, Naujan, Oriental Mindoro.
Base sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, sakay ng kanyang motorsiklong Honda XRM 125 ay binabaybay ni Dela Cruz kasama ang dalawang pasahero, ang National Road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon papunta sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon, habang ang Ford Ranger na galing sa Provincial Road ng Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon ay sa pareho ring direksyon na papunta naman sa pantalan.
Pagdating sa crossing malapit sa tulay ng Barangay Poctoy, ang driver ng Ford Ranger na nagmamadali ay sinubukan na mag overtake sa bandang kanan ng motorsiklo, ngunit nahagip ng kaliwang unahang gulong ng sasakyan ang kanang bahagi ng motorsiklo at dahilan para mawalan ng kontrol ang drayber at natumba sa kalsada ang motorsiklo.
Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga biktima na dinala sa Romblon Provincial Hospital para sa kaukulang lunas.
Napag-alaman na ang driver ng Ford Ranger ay pasakay ng barkong Starlite Shipping Lines papunta ng Roxas, Oriental Mindoro bago naganap ang nasabing insidente.
Isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS ang driver na si Ignacio at ang sangkot na mga sasakyan. (RSun Staff)







Add Comment