ODIONGAN, Romblon – Isinugod sa ospital ang Habal-habal driver at angkas nito matapos na mabangga at takasan ng suspek, pasado alas onse (11:00) ng gabi ng Enero 6, 2024 sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.
Ang mga biktima ay kinilala ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), na sina Jeffrel Viernes, 34 taong gulang, walang asawa, Habal-habal drayber, at residente ng Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon, at angkas na isang menor de edad, 17 taong gulang, binata, estudyante at nakatira sa Barangay Libertad, Odiongan, Romblon, habang ang suspek ay hindi pa nakikilala.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan MPS, binabaybay umano ng mga biktima sakay ng motorsiklo ang National Road ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon papunta sa direksyon ng Barangay Libertad, habang nasa kabilang linya naman ang suspek na pagawi sa Poblacion ng Odiongan.
Pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada malapit sa bahay ni Susan Ferrancullo, dahil sa matulin umano ang takbo ng motorsiklo ng suspek ay umagaw ito ng linya at napagawi sa kabilang linya kung saan ay aksidente nitong nahagip ang kaliwang bahagi ng motorsiklong sinasakyan ng mga biktima, at dahilan para matumba ang motorsiklo at tumilapon ang mga biktima sa kongretong kalsada.
Nagtamo ng pinsala sa kaliwang kamay ang habal-habal drayber na si Viernes, habang sugatan naman sa kaliwang paa ang angkas nitong menor de edad na estudyante.
Isinugod ang dalawa sa Romblon Provincial Hospital ng nagresponding ambulansiya ng MDRRMO ng Odiongan, habang mabilis naman umanong tumakas ang suspek sakay ng kanyang motorsiklo.
Samantala, isang kulay blue na cellphone na maaring naiwan umano ng suspek ang narekober sa lugar ng insidente na isinuko sa tauhan ng Odiongan MPS. (RSun Staff)







Add Comment