Home » Blog » Motorsiklo binangga ng truck sa Odiongan, Romblon, angkas patay

Motorsiklo binangga ng truck sa Odiongan, Romblon, angkas patay

ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang lalaking angkas ng motorsiklo na nabundol ng truck dakong hapon ng Enero 6, 2024 sa National Road, ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.

Ang biktima ay nakilala na si Leomar Bojos, Enero, 35 taong gulang, nakatira sa Tan-agan, San Andres, Romblon at nakaangkas kay Ryan Gonzales, Guro, 34 anyos, walang asawa, karpentero at residente ng Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon habang ang suspek ay kinilala na si Johnny Falame Real, 50 anyos, walang naipakita na lisensya sa pagmamaneho at residente ng Barangay Pangulo, Calatrava, Romblon na siyang nagmamaneho ng Isuzu truck na pag-aari ni Rolly Fruelda.

Sa ginawang imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima at ang Isuzu truck na minamaneho ng suspek na si Real ay parehong binabaybay ang National Road ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon, papunta sa direksyon ng Poblacion ng Odiongan.

Pagsapit sa intersection malapit sa tindahan ni Ann Manong ay nagmenor umano ang truck dahil may sasakyan na sumabay sa kanilang linya. Ngunit dahil sa mabilis ang pagpatakbo nito ay pumalya umano ang preno ng truck at nawalan ng kontrol ang drayber sa manibela hanggang sa aksidente nitong nabangga ang likuran ng sinusundang motorsiklo at nakaladkad pa ng ilang metro ang layo matapos mabundol ang nasabing sasakyan.

Nagtamo ng mga sugat at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawang biktima na isinugod sa Romblon Provincial Hospital ng nagresponding ambulansiya ng MDRRMO, ngunit idineklarang Dead on Arrival ang biktimang si Enero ng sumuring manggagamot.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide (RIR-Homicide) and Damage to Property ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS laban sa suspek na driver ng truck. (RSun Staff)

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment