LOOC, Romblon – Sugatan na dinala sa Rural Health Unit ang isang dalaga na dinayo at tinaga ng galit na senior citizen dakong 8:30 ng umaga ng Enero 3, 2024 sa Barangay Tuguis, Looc, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Joan Salivio De Jesus, 28 taong gulang, dalaga, ODEX Rider, habang ang suspek ay napag-alaman na si Celedonio Gatarin De Jesus, 66 taong gulang, may-asawa, manggagawa at parehong residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Looc Municipal Police Station (LMPS), habang naglilinis umano ng kanilang bahay ang biktima, ay dumating naman ang suspek at pumasok ng kanilang bakuran na may dalang itak.
Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek kung saan ay bigla na lang umanong tinaga ng suspek ang biktima na tinamaan sa kaliwang kamay at binti.
Sa dagdag na imbestigasyon ng Looc MPS, napag-alaman na galit umano ang suspek dahil sa kinakatay umano ng biktima ang manok ng suspek tuwing mapadako ang mga alaga nito sa bakuran ng biktima.
Isinugod naman ang biktima sa Rural Health Unit para malapatan ng kaukulang lunas, habang ang suspek ay inaresto ng nagrespondeng mga tauhan ng Looc MPS.
Kasong Frustrated Murder ang inihahandang isampa ng Looc MPS sa Tanggapan ng Provincial Prosecutor sa Odiongan, Romblon laban sa suspek. (TMM)







Add Comment