ODIONGAN, Romblon – Isinugod sa ospital ang isang lalaki matapos itong bugbugin ng kanyang stepson dakong 10:30 ng gabi ng Enero 3, 2024 sa Sitio Purok Pag-asa, Barangay Bangon, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Fernando Tejolan Fradejas, Jr., 49 taong gulang, may-asawa, construction worker, habang ang itinuturong suspek ay ang stepson nito na si Diego Fajanilan Falogme, 23 taong gulang, may kinakasama, magsasaka at kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), habang nanonood umano ng palabas sa telebisyon ang biktima sa loob ng kanilang bahay at kausap ang kanyang asawa tungkol sa hindi pa nahuhugasan nilang pinagkainan sa kusina ay lumapit umano ang kanyang stepson (suspek) at walang kadahilanan na sinundot nito ng daliri ang mata ng biktima at saka pinagsusuntok sa mukha ng ilang beses.
Dahil sa kaguluhan ay naalarma ang kanilang kapitbahay at kapatid ng suspek at pumunta sa loob ng bahay para awatin ang suspek.
Nagtamo ng pinsala sa kaliwang mata at mukha ang biktima na dinala sa Romblon Provincial Hospital (RPH) para malapatan ng kaukulang lunas.
Napag-alaman ng Odiongan MPS na ang biktima at ang suspek ay may dating alitan na naareglo sa kanilang barangay.
Inaresto naman ng kapulisan ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Odiongan MPS kung saan siya ay nahaharap sa kasong Physical Injury na inihahandang isampa sa husgado ng Odiongan MPS. (RSun Staff)







Add Comment