ODIONGAN, Romblon – Inaresto at dinala sa himpilan ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS) ang isang lalaki na nanuntok ng pulis matapos itong sitahin at bigyan ng citation ticket dakong umaga ng Disyembre 21, 2023 sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon.
Ang pulis na nagreklamo ay kinilala na si PCMS Gelven G. Vencer, 51 taong gulang, miyembro ng PNP na nakadestino sa Odiongan Municipal Police Station at residente ng Barangay Poblacion, Ferrol, Romblon, habang ang suspek ay napag-alaman na si Limuel Gacute Lorenzo, 45 taong gulang, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan MPS, ang mga tauhan ng Odiongan MPS sa pangunguna ni PCMS Gelven G. Vencer ay nagsagawa ng pagpapatrolya sa bayan ng Odiongan partikular sa National Road ng Barangay Liwanag, Odiongan, Romblon.
Habang nagpapatrolya ay kanilang namataan ang isang lalaki na nakatayo sa tabi ng kalsada na walang suot na pang-itaas na damit at naninigarilyo, na isang paglabag sa Municipal Ordinance No. 2014-16 (No Smoking in Public Places).
Sinabihan umano ng mga pulis ang suspek at binalaan, ngunit sa halip na sumunod sa mga awtoridad, ay binalewala umano nito ang pasabi at sumigaw na, “Hulihin nyo doon ang iba, ako lang ang napansin nyo, ” at patuloy lang umano ito sa kanyang paninigarilyo sa harapan ng mga pulis.
Agad na inisyuhan ng pulis ng citation ticket ang suspek na tumangging tanggapin at pirmahan ang naturang tiket. At tinabig pa ng suspek palayo sa kanya ang citation ticket, habang sumisigaw umano ng “Sige subukan nyong hulihin ako!” at ” Sige kasuhan mo ako!” at iba pang masasakit na salita habang nakaduro ang daliri kay PCMS Vencer.
Sinubukan na arestuhin ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang suspek ngunit pumapalag umano ito at bigla na lang nitong sinuntok si PCMS Vencer.
Tuluyan namang nasakote ang suspek at hinuli ito at dinala sa Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon.
Kasong paglabag sa Article 151 ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Provincial Prosecutor’s Office laban sa nasabing suspek. (RSun Staff)







Add Comment