SAN JOSE, Romblon – Isa nang bangkay ng madiskubre sa loob ng kanyang tahanan ang isang lalaking bangkero na may nakatali pang lubid sa kanyang leeg dakong 8:40 ng umaga ng Disyembre 7, 2023 sa Barangay Poblacion, San Jose, Romblon.
Ang biktima ay nakilala na si Earl Joashua Mariano, 26 taong gulang, may-asawa, bangkero at residente ng Barangay Poblacion, San Jose, Romblon.
Sa imbestigasyon ng San Jose Municipal Police Station, inutusan umano ng lola ng biktima si Luzviminda “Memia” Evangelio Mariano na puntahan at usisain kung nandoon sa kanyang bahay ang biktima. Pagdating sa bahay ng biktima ay nakita ni Memia na nakahandusay sa sahig sa bandang kusina ang biktima at may nakatali na lubid sa leeg. Agad niyang pinaalam sa lola ng biktima ang kanyang nakita at humingi sila ng tulong sa kanilang mga kapitbahay. Sinubukan pa nilang bigyan ng first aid ang biktima ngunit hindi na ito tumutugon.
Ayon sa San Jose MPS, wala naman silang makitang palatandaan na mayroon foul play sa nasabing pangyayari maliban sa marka sa leeg ng biktima dahil sa pagkabitin sa kisame sa kusina.
Dagdag pa ng pulisya, isang linggo na umanong nag-iisa sa kanyang bahay ang biktima dahil may problemang pampamilya ang biktima at ang kanyang asawa mula pa noong buwan ng Setyembre taong kasalukuyan.
Sa eksaminasyon ng sumuring doktor, nangyari ang naturang insidente sa pagitan ng oras na 12:00 – 2:00 ng madaling araw ng nasabing petsa.
Patuloy pang kumakalap ng dagdag na imbestigasyon ang San Jose MPS kaugnay sa nasabing pangyayari. (AMM).







Add Comment