ODIONGAN, Romblon – Pormal na pinasinayaan ang antigong parola na matatagpuan sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon nitong nakalipas na araw matapos itong ayusin at kumpunihin ng Lokal na Munisipyo ng Odiongan, Romblon.
Pinangunahan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic ang pagpasinaya sa nasabing lighthouse na itinayo noong Hulyo 9, 1928 sa lupain na ipinagkaloob ng dating Alkalde Alfonso F. Firmalo at ng kanyang maybahay na si Ginang Paz Ll. Firmalo.
Kasama rin ni Mayor Fabic sa nasabing okasyon ang mga Sangguniang Bayan ng Odiongan na sina Jackeri Fernandez, Joel Falogme, Juvy Faderogaya, Kaila Yap, Manuel Fernandez, Quincy Anne Bantang, at Joey Fabiculana, Municipal Administrator Dr. Ramer Ramos, Engr. Roy Dela Cruz – Municipal Engineer, Tourism Officer Mary Jude Gabat at ang bagong halal na Punong Barangay ng Brgy. Ligaya na si Rolly Famero kasama ang kanyang mga miyembro ng konseho.
Ang nasabing parola na may taas na humigit kumulang sa sampung metro ay nagsilbing alaala sa nakalipas na kasaysayan ng bayan ng Odiongan. Malaki ang naiambag nito bilang gabay ng mga mandaragat at mga biyahero sa kanilang paglalakbay sa karagatan noong unang panahon. (Tony Miñano Macalisang)







Add Comment