CAJIDIOCAN, Romblon – Wala nang buhay ng matagpuan ng kanyang ina ang isang lalaking German national sa loob ng sasakyan na Toyota Revo nitong 8:00 ng umaga ng Agosto 30, 2023 sa Barangay Alibagon, Cajidiocan, Romblon.
Kinilala ang biktima na si Sven Eric Gsell, 48 taong gulang, may kinakasama, German National at kasalukuyang nakatira sa Barangay Alibagon, Cajidiocan, Romblon.
Base sa ulat ng Cajidiocan Municipal Police Station (CMPS), dakong 8:00 ng umaga ng nasabing araw ay nakita umano ng ina ng biktima na nakilala na si Ginang Heiderose Gerirua Elli Gsell, ang nakapaskel na “suicide note” sa pintuan ng kanilang bahay na nakasulat sa lenguwahe ng German na nagsasaad na, “I ‘am sorry, you find me in the car, Maybe you will be able to manage everything and may be you will get my life insurance. I cannot decide for you.” (isinalin ng ina ng biktima sa English).
Pagkabasa ay mabilis na pumunta ng garahe ang ina ng biktima at kanyang nakita ang nakaratay na katawan ng anak sa loob ng kulay itim na sasakyan na Toyota Revo.
Agad naman itong humingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay at kanilang dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital, Cajidiocan, Romblon ngunit dineklara itong “dead on arrival” (DOA) ng sumusring doktor na si Dr. Pearl Rhealmae T. Hernandez, MD.
Ayon sa manggagamot ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay dahil sa “Respiratory Arrest probably secondary to Myocardial Infraction.”
Sa imbestigasyon ng Cajidiocan MPS, ang biktima ay natagpuan sa “passenger seat” ng sasakyang Revo na nakatalukbong ng kumot at sa bandang likod na bahagi ng sasakyan ay nakita ang isang umaandar pa na makina ng grass mover.
Wala namang nakitang bakas ang pulisya na nagkaroon ng paghahamok sa paligid na kinaroroonan ng bangkay ng biktima.
Ayon sa ina ng biktima, may ilang beses na umanong nagtangkang magpakamatay ang kanyang anak. Kaya’t kumbinsido itong nagpatiwakal ang biktima at hindi na isinailalim ang bangkay sa awtopsiya. (Romblon Sun News Team)







Add Comment