Deprecated: The called constructor method for WP_Widget class in EV_Widget_Entry_Views is deprecated since version 4.3.0! Use __construct() instead. in /home/romblons/public_html/wp-includes/functions.php on line 6131
Balak na pagmimina sa Sibuyan, tinutulan - Romblon Sun
Home » Blog » Balak na pagmimina sa Sibuyan, tinutulan

Balak na pagmimina sa Sibuyan, tinutulan

SAN FERNANDO, Romblon – Mahigpit na pagtutol ang ipinaabot ng mga Sibuyanons sa itinakda na konsultasyon ng grupo ng kinatawan ng Altai Philippines Mining Corporation (APMC) na Information Education and Communication (IEC) campaign para sa unang proseso upang makakuha ng environmental compliance certificate (ECC) nitong Biyernes, Mayo 27, na ginanap sa Public Auditorium, Poblacion, San Fernando, Romblon.

Nahinto at napigilan ang isinagawang diyalogo na inilatag ng consultancy group ng APMC na dinaluhan ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng San Fernando at ng mga  residente para sa binabalak na pagmimina ng nickel sa Barangay España at Barangay Taclobo ng nasabing bayan ng San Fernando, Romblon.

Pagkatapos ng ilang katanungan at reaksyon mula sa mga naroon ay tuluyang nang tinapos ang nasabing pagpupulong.

Matatandaan na ang mining operation ng APMC ay inisyuhan ng cease and desist order ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) noong 2011 dahil sa pagtutol ng mga residente.

At noong Setyembre 2021 ay inalis ito isang buwan pagkatapos na magpalabas si Pangulong Duterte ng Executive Order 130, na nag-implementa ng reporma sa industriya ng pagmimina sa Pilipinas, ayon sa Bayay Sibuyanon.

“Hindi kami hihinto sa pagprotekta ng aming isla. Mas importante ang aming kabundukan, ilog at karagatan kaysa ano mang yaman ng maibigay ng pagmimina” ayon kay Sibuyan environmentalist Rodne Galicha, executive director ng Living Laudato Si’ Philippines.

“Ang makikinabang lamang diyan ay yung mga mayayaman at hindi ang mahihirap, wag maging sakim… ang epekto nito sa ating kalikasan ay permanente at di na muling maibabalik pa,” ayon kay Viring Rafol Batan na isa rin sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon.

Sa sulat ni Helly Yap Asoy, isang residenteng Sibuyan, kay Pangulong Duterte ay hinihiling nito na ihinto ang lahat na aktibidad ng pagmimina sa isla ng Sibuyan.

Aniya pa, ang banta ng pagmimina ay muling nabuhay dahil sa pagtanggal sa suspensyon ng Altai Philippines Mining Company na magsagawa ng exploration activity sa kanilang lugar.

Maalaala na noong 2007 ay binaril si Konsehal Armin Rios-Marin ng guwardya ng APMC sa harap ng mga kasamahang nagpoprotesta habang pinipigilan ang pagdadala ng kagamitan sa lugar ng minahan.

Sa kasalukuyan ay kontrolado ng Dynamo Atlantic Ltd. ang nasabing kompanya, ayon sa Bayay Sibuyanon.

Tags

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment