Dadalhin ko ang boses ng Romblomanon sa kongreso –Joey Venancio

ODIONGAN, Romblon – Tuloy at walang atrasan ang pagkandidato ni Joey Venancio na naghain ng kanyang kandidatura sa pagka congressman ng lone district ng Romblon at tangan ang simpleng plataporma na dadalhin ang boses ng Romblomanon sa kongreso.

“Ang plataporma ko ay simple lang. Bilang kinatawan ng lalawigan ng Romblon sa pambansang pamahalaan, dadalhin ko ang boses ng Romblomanon sa kongreso,” ayon kay Publisher Venancio.

Aniya pa, kanyang kokonsultahin ang mamamayan sa anumang itatayong proyekto, kung ano ang gusto ng mas nakakarami ay iyon ang kanyang gagawin sa kongreso dahil ang taong bayan umano ang kanyang boss.

“Ang bawat hakbang ko’y ikokunsulta sa mamamayan at hindi ako gagawa ng anumang proyekto o programa na ako lang ang may gusto. Magiging open ako kanino man at kung ano ang hiling at nais ng nakararami ay yun ang gagawin ko sa kongreso dahil sila ang boss ko,” dagdag pa ni Venancio.

Sa mga nagtatanong kay Venancio kung bakit nito pinasok ang pulitika, kanya itong sinagot na nais lamang nito na mailagay sa tama ang pondo ng gobyerno para sa kanyang lalawigan.

Ayon pa kay Joey gusto niyang makitang maayos, maganda at maunlad ang kanyang lalawigan, maalis sa hanay ng poorest provinces.

“The very reasons why I’m running for Congressman, ay upang maging maunlad ang Romblon, mailagay sa tama ang mga programa, may maayos na social services, ang pondo mula sa pambansang pamahalaan ay hindi mapunta sa bulsa, hindi ako magnanakaw,” mariing bigkas ni Venancio.

Pinuna rin ni Venancio ang problema sa mga pampublikong ospital ng Romblon na aniya ay ipinaabot na reklamo sa kanya bilang isang alagad ng media. Kailangan umanong pagtuunan pansin ang programang pangkalusugan sa buong probinsya ng Romblon. Sa kasalukuyan, ayon kay Venancio, ang mga nagpapagamot ay kailangan pang tumawid sa malalayong isla kung saan may pagamutan dahil sa hindi kumpleto o kulang ang pasilidad ng ospital sa bawa’t isla at kadalasan umano ay kapos ang importanteng mga gamot dahilan para pumanaw ang pasyente lalo na pag masama ang panahon o may bagyo na hindi makatawid ang isang pasyente na nangangailangan ng agarang medikasyon o isang kasong “emergency”.

Ayon pa kay Venancio, mas mahalaga umano ang kalusugan kaysa mga ipinapagawang kalsada sa kabundukan na hindi naman gaanong dinadaanan dahil sa mataas at madaling masira sa panahon ng tag-ulan at sayang lamang ang milyon-milyong pera ng taongbayan na nalulustay sa di gaanong importanteng mga proyekto. (Romblon Sun News Team)

 

 

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment