ALCANTARA, Romblon – Magkasabay na dinala sa ospital ang tatlong menor de edad na nabundol ng motorsiklo kasama ang drayber na suspek at angkas nito dakong 8:30 ng gabi ng Disyembre 23, 2025 sa Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon.
Kinilala ang mga biktima na dalawang lalaki na 8 taong gulang at isang 11 taong gulang na pawang nakatira sa Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon at isang 10 taong gulang na babae na residente ng Barangay Dona Trinidad, San Andres, Romblon at ang angkas ng suspek na 34 anyos at residente ng Barangay San Roque, Alcantara, Romblon, habang ang suspek ay nakilala na si alyas “Jake”, edad 28 anyos, binata, construction worker at residente ng Barangay San Roque, Alcantara, Romblon.
Base sa imbestigasyon ng Alcantara Municipal Police Station (AMPS), sakay ng kanyang motorsiklong Euro 150 ang suspek at angkas nito na binabaybay ang Tablas Circumferential Road ng Barangay Bonlao, Alcantara, Romblon mula sa Barangay San Roque, Alcantara, habang ang tatlong biktima na pawang menor de edad ay nasa tabi ng kalsada.
Pagdating sa lugar ng insidente, dahil sa umano’y mabilis at walang ingat na pagmamaneho ay nawalan ng kontrol ang suspek sa kanyang sasakyan at aksidenteng nahagip ang mga menor de edad na biktima.
Dahil sa pangyayari ay nagtamo ng sugat sa ulo at sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga bata kabilang ang suspek at angkas nito na agad isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Barangay Punta, Looc, Romblon.
Kalaunan ay inilipat ang 8 taong gulang na biktimang batang lalaki sa Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan, Romblon, ngunit hindi nagtagal ay binawian ito ng buhay.
Napag-alaman na nasa ilalim ng espiritu ng alak ang suspek ganun din ang angkas nito bago naganap ang naturang aksidente.
Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Physical Injuries ang suspek na isasampa ng Alcantara MPS sa Tanggapan ng Piskalya sa bayan ng Odiongan, Romblon. (RSun Staff)






Add Comment