SAN FERNANDO, Romblon – Pinasok ng apat na menor de edad ang isang tindahan sa Sitio Anahaw, Barangay Otod, San Fernando, Romblon dakong 1:45 ng madaling araw ng Martes, Nobyembre 25, taong kasalukuyan.
Base sa sumbong ng 75 na taong gulang na biktimang may-ari sa San Fernando Municipal Police Station, natutulog umano siya sa kanyang bahay sa Sitio Centro, Barangay Campalingo, San Fernando, Romblon kasama ang kanyang kinakasama nang marinig nito ang alarm notification ng CCTV na nakakabit sa kanilang tindahan.
Pagkatapos marinig ang alarm ay tinawagan nila ang lalaking anak ng biktima upang usisain ang nangyari sa tindahan kung saan ay kinumpirma ng anak ng biktima na pinasok ang tindahan ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa pamamagitan ng pagdaan sa kaliwang bahagi ng bintana.
Puwersahan umanong pinagtulungan na hinila at binaluktot ang bakal na window grills ng tindahan upang kumasya sa pagpasok ang mga suspek.
Kinuha umano ng mga suspek ang pera na halagang P30,000.00, mga paninda na nagkahahalaga ng P28,000.00 at mga parsela mula sa Lazada na may kabuuang halaga na P24,000.00.
Sa tulong ng CCTV ay nakilala ang mga suspek na nasa 16 anyos ang edad, estudyante at pawang residente ng Sitio Anahaw, Barangay Otod, San Fernando, Romblon.
Isinailalim sa kustodiya ng San Fernando MPS ang nasabing mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon. (RSun Staff)






Add Comment