Mountaineer na umakyat ng Mt. Guiting-Guiting sa Sibuyan, namatay

MAGDIWANG, Romblon – Binawian ng buhay ang isang dayong mountaineer na umakyat sa Mt. Guiting-Guiting matapos makaramdam ng mahirap na paghinga habang nasa itaas ng bundok, dakong 8:07 ng gabi, Nobyembre 24, 2025 sa Sibuyan District Hospital, Cajidiocan, Romblon.

Ang biktima ay kinilala na 46 taong gulang na lalaki at residente ng General Trias Cavite.

Sa inisyal na imbesigasyon ng Magdiwang Municipal Police Station (MMPS), napag-alaman na noong 10:00 ng umaga ng Biyernes, Nobyembre 21, ang biktima kasama ang mga tourist guide at isa pang mountaineer ay nagsimulang umalis mula sa  bahay ng isang tourist guide sa Barangay Tampayan, Magdiwang papunta sa itaas ng Mt. Guiting-Guiting, at dakong 5:00 ng hapon ay narating nila ang lugar na “Camp 3” at doon tumigil ng magdamag.

Noong 6:00 ng umaga ng Nobyembre 22, ay nagpatuloy ang grupo sa kanilang pag-akyat hanggang sa narating nila ang tuktok ganap na 2:00 ng hapon. Tumigil mula sila doon ng 15 minutos bago bumaba papunta sa “Mayo’s Peak”  kung saan balak nilang magpahinga.

Habang pababa sa lugar na tinatawag na “Camel Back”, ay nagsimulang bumagal ang biktima at nakaramdam ng mahirap na pagkilos. Ganun pa man ay patuloy pa rin ang kanilang paglalakad papunta sa “Knife Edge” at dito nagpalipas ng gabi ang biktima kasama ang isang tourist guide.

Dakong 5:30 ng umaga, Nobyembere 23, ang biktima ay hindi pa rin makapaglakad ng maayos, kaya’t pinagpaliban muna nila ang pagbaba.

Noong 7:00 ng umaga, ang tour guide na kasama ng biktima ay pumunta ng “Mayo’s Peak” para humingi ng tulong at pagkain sa kapwa tour guide at ibang mountaineer.

Makaraang makabalik at mabigyan ng pagkain ang biktima ay minungkahi ng tour guide na humingi sila ng tulong sa kinaukulan, ngunit sinabi ng biktima na kailangan na lang nito ang pahinga.

Nang subukan ng biktima na maglakad ay nakaramdam ito ng mahirap na paghinga at hindi makapaglakad ng maayos kaya’t nagdesisyon ang tour guide na humingi ng rescue assistance.

Dakong hapon ng Nobyembre 23, 2025, limang rescuer ang dumating at dinala ang biktima sa ligtas na lugar.

At noong 5:00 ng umaga ng Nobyembre 24, 2025 ay inilagay sa duyan ang biktima at sinimulan ng grupo ang pagbaba hanggang sa makarating ng “Mayo’s Peak” dakong 8:00 ng umaga, nagpahinga sandali at at muling pinagpatuloy ang paglalakad pababa hanggang sa makarating sila sa Bulod’s Spring. Dito nakasalubong nila ang iba pang rescuers na mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BPF) Magdiwang at inilipat ang biktima sa spine board at pinagpatuloy ang paglalakad sa gitna ng kagubatan papunta sa trail entrance.

Ganap na 6:30 ng hapon ay narating nila ang “starting point” at doon ay isinakay ang biktima sa naghihintay na ambulansiya at doktor ng Rural Health Unit ng Magdiwang.

Dinala ang biktima sa Sibuyan District Hospital, sa bayan ng Cajidiocan, Romblon, ngunit sa kasawiang palad ay binawian ito ng buhay dakong 8:07 ng gabi.

Ayon sa tour guide na ang nasabing hiker ay nakararanas umano ng matinding pagod, panginginig, at disorientation habang nasa trail, na base sa opinyon ng doktor ay mga palatandaan ng hypothermia. (RSun)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment