MAGDIWANG, Romblon – Wala nang buhay ng matagpuan sa bundok ang senior citizen na umano’y aksidenteng natusok sa mata ng sanga ng kahoy na kanyang pinutol nitong Lunes ng umaga, Nobyembre 24, sa Sitio Boso-Boso, Barangay Lumbang Este, Cajidiocan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Cajidiocan Municipal Police Station, kanilang umanong natagpuan ang 63 taong gulang na biktimang magsasaka na residente ng Barangay Lumbang Este, Cajidiocan, Romblon, na nakahandusay malapit sa bagong putol ng puno ng kahoy, habang hawak-hawak pa ang kanyang gulok at may sugat sa kaliwang mata.
Napag-alaman na noong umaga ng Nobyembre 24, humingi umano ng tulong ang asawa ng biktima sa mga lokal na residente dahil ang biktima ay hindi pa nakabalik simula itong umalis noong nakalipas na araw.
Bago ang naganap ang insidente, dakong 3:00 ng hapon ng Nobyembre 23, umalis umano ang biktima upang magpakain ng kanyang mga alagang kambing sa nasabing lugar at pagkaraan ay pumutol umano ito ng puno ng kahoy.
Habang sa kanyang pagputol ng puno ng kahoy ay tumalbog umano ito at aksidenteng tumusok sa mata ang sanga ng kahoy na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.
Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na aksidente ang nasabing nangyari sa kanilang padre de pamilya. (RSUN Staff)






Add Comment