ODIONGAN, Romblon – Walang malay na dinala sa ospital ang isang lalaki na aksidenteng bumangga ang minamanehong SUV sa metal barrier ng covered court ng Barangay Bangon, Odiongan, Romblon, dakong 3:20 ng umaga, Oktubre 25, taong kasalukuyan.
Kinilala ang lalaki na si alyas “Jose”, 26 anyos, binata, OFW, at residente ng Barangay Poblacion, Alcantara, Romblon.
Napag-alaman na galing umano sa Harbour Chateau, Barangay Poctoy, Odiongan, Romblon, ang lalaki at pauwi na sa kanilang bayan sa Alcantara, Romblon, sakay ng isang Ford Everest Titanium na pag-ari ng kanyang ina.
At habang binabaybay ng lalaki na umano ay nakainom ng alak, ang National Road ng Barangay Tabing Dagat ay napag-alaman na una umano nitong nasagi ang nakaparada na motorsiklo sa tabi ng kalsada sa harap ng bahay ng may-ari na isang abugado.
Kasunod naman umanong natumbok ng suspek ang harapan ng Barrel Top Restaurant sa nasabi ring Barangay na ikinasira ng roll up door ng nasabing restaurant.
Tuloy-tuloy umano ang pagmamaneho ng suspek hanggang sa makarating ito sa Barangay Bangon Odiongan, Romblon at aksidenteng bumangga ang minamanehong sasakyan sa metal barrier ng covered court ng naturang barangay.
Walang malay umanong dinala ang lalaki sa Romblon Provincial Hospital ng nagrespondeng mga tauhan ng MDRRMO Odiongan para sa atensyong medikal.
Ang sangkot na sasakyan ay nagtamo ng di pa batid na halaga ng pinsala at isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS.
Ang binata ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Damage to Properties.
Napag-alaman na nagkasundo na umano ang magkabilang panig at nagkaaregluhan sa nasabing insidente. (RSun Staff)






Add Comment