Empleyado ng TIELCO timbog sa buy-bust operation ng ilegal na droga sa Odiongan, Romblon

ODIONGAN, Romblon – Arestado ang isang 25 anyos na lalaki na empleyado umano ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) matapos ikasa ang buy-bust operation kontra ilegal na droga nitong 8:50 ng gabi, Agosto 15, 2025 sa Sitio Upper, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon.

Kinilala ang suspek na si alyas “Sammy”, 25 taong gulang, hiwalay sa asawa, empleyado ng TIELCO, at residente ng nasabing barangay.

Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station (OMPS), nagsagawa ng Anti-Illegal Drugs Operation ang pinagsanib na tauhan ng MDEU Odiongan MPS (lead unit), Romblon PIU at PDEA Romblon na nagresulta sa pagkahuli sa nasabing suspek.

Isang tauhan ng pulisya ang umaktong poseur buyer ang nakabili umano sa suspek ng isang piraso na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalang “shabu”.

Agad na hinuli ang suspek pagkatapos na maisagawa ang transaksyon.

Nakuha rin sa posesyon ng suspek ang tatlo pang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng pinagdududahan na ilegal na droga, pera na ginamit sa buy-bust operation at kaha ng sigarilyo.

Ang pag imbentaryo, pagkuha ng litrato at ebidensiya ay ginawa sa naturang lugar, sa harap ng suspek na sinaksihan ng mga opisyal ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon at kinatawan mula sa media.

Ang suspek ay isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS.

Nahaharap sa kasong paglabag ang suspek sa Section 5 and 11 of Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) na isasampa ng Odiongan MPS sa pamamagitan ng inquest proceeding sa Provincial Prosecutor’s Office, Odiongan, Romblon. (Romblon Sun Staff)

About the author

Romblon Sun Staff

Add Comment

Click here to post a comment