ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa kasong Slight Physical Injury ang isang Barangay Tanod matapos nitong masaksak ang nakasuntukan na lalaki dakong madaling araw ng Enero 1, 2025 sa Sitio Tabing Dagat, Barangay Panique, Odiongan, Romblon.
Ang biktima ay isang 52 taong gulang na helper, hiwalay sa asawa, habang ang suspek ay napag-alaman na 56 anyos na Barangay Tanod ng Barangay Libertad, at kapwa residente ng Barangay Libertad, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, dakong 12:00 ng madaling araw ng Enero 1, ang biktima ay pumunta sa bahay ng kanyang biyenan sa Sitio Tabing Dagat, Barangay Panique, Odiongan, Romblon kung saan nakatira ang kanyang dating asawa upang kausapin ito.
Pagdating sa bahay ng kanyang biyenan ay nadatnan nito ang suspek at ang kanyang dating asawa na nag-iinuman sa labas ng bahay.
Tinabig umano ng biktima ang sombrero ng suspek na humantong sa kanilang pagsuntukan.
Ayon sa biktima habang sila ay nagpapalitan ng suntok ay bumunot umano ng patalim ang suspek at siya ay sinaksak.
Nagtamo ng tatlong tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima.
Pagkatapos ng pangyayari ay humingi ng tulong sa mga residente at biktima at ito ay inihatid sa Romblon Provincial Hospital ng nagrespondeng tauhan ng MDRRMO Odiongan.
Dinakip naman ng mga tauhan ng Odiongan MPS ang suspek sa bahay nito at isinuko ng suspek ang ginamit nitong patalim.
Kasong Slight Physical Injury ang inihahandang isampa ng OMPS sa Korte laban sa inarestong suspek. (RSun Staff)







Add Comment