ODIONGAN, Romblon – Binawian ng buhay sa ospital ang retiradong guro na naaksidente sa motorsiklo dakong 4:30 ng hapon ng Nobyembre 15, 2024 sa National Road ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.
Nakilala ang biktima na si Fermin Taborete Fodra, 62 taong gulang, may-asawa, retiradong guro at residente ng Barangay Tuburan, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, sa nasabing petsa, oras at lugar ay sakay ng motorsiklong may sidecar na binabaybay ni Reynan Artificio Fabicon, 41 anyos, drayber at residente ng Barangay Libertad, ang national Road ng Barangay Gabawan mula sa Barangay Libertad, habang nasa kabilang linya naman ang biktimang si Fodra.
Pagsapit sa kurbadang bahagi ng kalsada ng Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon, ay nawalan umano ng kontrol ang biktima sa sinasakyang motorsiklo dahil sa mabilis nitong pagpapatakbo at napagawi sa kabilang kung saan ay aksidente nitong nasalpok ang kasalubong na motorsiklong may sidecar na minamaneho ni Fabicon.
Dahil dito ay tumilapon ang biktima sa kongretong kalsada, habang ligtas naman ang driver ng motorsiklong may sidecar.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima at dinala sa Romblon Provincial Hospital ng mga nagrespondeng tauhan ng MDRRMO Odiongan. Kalaunan ay binawian umano ito ng buhay.
Sa ulat ng Odiongan MPS, napag-alaman na nakainom umano ang biktima noong naganap ang aksidente.
Ang mga sangkot sa aksidente na sasakyan ay nagtamo ng hindi pa batid na halaga ng pinsala at isinailalim ang mga ito sa kustodiya ng Odiongan MPS para sa kaukulang disposisyon. (RSun Staff)







Add Comment