ROMBLON, Romblon – Sumadsad ang barko ng Montenegro Shipping Lines na MV Maria Oliva sa mababaw na lugar ng karagatan na sakop ng bayan ng Romblon kaninang umaga, Nobyembre 11, 2024.
Agad na umaksyon ang Coast Guard Station Romblon na nagpadala ng Rigid Hull Inflatable Boat, gayun din ang Pamahalaang Panglalawigan at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Romblon na nagdispatsa ng speedboat at rescue boat para matulungan na maibaba ang mga pasahero papunta sa pantalan ng Romblon.
Ligtas naman ang lahat na 156 na pasahero na lulan ng naturang barko na dinala sa pier maliban sa isang pasyente na dina-dialysis at ang kanyang kasama dahil ang kanyang ginagamit na aparatu ay nasa kanilang sasakay na nasa barko.
Ayon sa Coast Guard Station Romblon, umalis ang nasabing barko sa pier ng San Agustin na may sakay na 156 na pasahero, 38 na miyembro ng crew, at 26 na mga sasakyan na papunta sa pantalan ng Romblon.
Kasalukuyan namang iniobserbahan ng mga tauhan ng CGSS Romblon at ng mga crew ng nasabing nabahura na barko ang kalagayan nito.
Wala namang naiulat kung may tumagas na langis mula sa barko. (RSun Staff)







Add Comment