ODIONGAN, Romblon – Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang senior citizen na tricycle drayber matapos na makasuntukan ang kasamahang drayber sa pilahan ng mga tricycle sa Sitio Cocoville, Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon nitong 2:30 ng hapon ng Setyembre 11, 2024.
Kinilala ang nasawi na si Teodorico Almadia Samson, Jr., 61 taong gulang, may-asawa, tricycle driver, at residente ng Barangay Dapawan, Odiongan, Romblon, habang ang itinuturong suspek ay si Gener Olivas Miranda, 36 anyos, may-asawa, tricycle driver at nakatira sa Barangay Gabawan, Odiongan, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, dakong 2:10 ng hapon sa pilahan ng mga tricycle malapit sa opisina ng Department of Trade and Industry (DTI), ang biktima at ang suspek ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo tungkol sa “cash assistance” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na humantong sa kanilang pagsuntukan.
Inawat naman ng kanilang mga kasamahan ang dalawa.
Sinabihan ng biktima ang kanyang kaibigan na si Bernie Galivo na ireport sa Odiongan MPS ang nasabing insidente. Ngunit pinaliwanag ni Galivo sa biktima na dapat siyang sumama at siya ang magreport sa pulisya.
At habang papunta sila sa himpilan ng Odiongan MPS ay napansin ni Galivo na wala nang malay ang biktima kung saan ay agad niya itong dinala sa Tablas Doctor’s Hospital para malapatan ng agarang lunas, ngunit idineklara itong “dead o arrival” (DOA) ng sumuring mangagamot.
Ayon sa mga kamag-anak ng nasawi, may karamdaman umano na alta presyon ang biktima.
Boluntaryo namang sumuko ang suspek sa Odiongan MPS at ito ay inaresto at isinailalim sa kanilang kustodiya.
Kasong Homicide ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Korte laban sa suspek. (RSun Staff)








Add Comment