ODIONGAN, Romblon – Pursigidong nagpahayag na tatakbo sa pagka-gobernador ng probinsya ng Romblon si dating Mayor Julie “Haruta” Monton ng Magdiwang, Romblon sa darating na halalan sa susunod na taong 2025.
Ayon kay dating Mayor Monton, siya ay tatakbo sa pagka gobernador na walang sinasandalang partido kundi bilang kandidato ng taongbayan.
“Ako ay tatakbong gobernador bilang kandidato ng taong bayan at walang inaanibang partido,” pahayag ni dating Mayor Monton sa isang eklusibong panayam ng Romblon Sun sa pamagitan ng telepono.
Nakahanda na umano siyang magsumite ng kanyang kandidatura sa pagiging ama ng probinsya ng Romblon sa susunod na buwan.
Ayon kay ex-Mayor Jolly, nangunguna sa kanyang programa ay ang pagtutok sa turismo ng Romblon na magdadala ng maraming oportunidad sa buong lalawigan ng Romblon.
“Kailangan natin na mapalakas ang turismo ng Romblon, kung saan pag maraming turista ay marami ang mabibigyan ng trabaho at magkaroon ng kabuhayan ang ating mga kababayan,” ayon kay dating Mayor Monton.
Aniya pa, Kung papalarin na maging gobernador, magbibigay siya ng oras sa pagbisita sa bawat munisipyo buwan-buwan upang malaman ang kanilang mga problema sa kanilang lugar.
Kabilang rin sa bibigyan ng pansin ni dating Mayor Haruta ang pagkaroon ng Sustainable Energy/ Electrification. Importante umano sa pamumuhay at negosyo ang pagkakaroon ng matatag na source ng suplay ng koryente na magdadala sa kaunlaran ng probinsya.
Nakahanda na rin ang iba pang mga programa ni dating Mayor Monton kung sakaling makaupo sa Kapitolyo para sa ikakabuti ng taong bayan at magpapaangat ng pamumuhay ng Romblomanons.
Aniya, kailangan ma promote ang produkto ng Romblon, “Unang una ang Marble ay kilala na sa buong mundo, kailangan lamang ayusin ang marketing pati na rin ang ibang produkto mula sa ating probinsya.”
Dagdag rin sa kanyang programa ang Health Program, lalo na sa mga senior citizen na dapat alagaan, ayon pa kay ex-Mayor Monton kung saan siya ang Pangulo ng Federation ng Senior Citizen sa bayan ng Magdiwang. (Tony Miñano Macalisang).








Add Comment