ODIONGAN, Romblon – Nahaharap sa kasong paglabag sa “The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang isang lalaki matapos itong masakote sa ikinasang anti-illegal drug operations (buy-bust) ng kapulisan kaninang 12:40 ng tanghali, Setyembre 5, 2024 sa Barangay Ligaya, Odiongan, Romblon.
Ang hinuli ay isang 27 taong gulang na lalaking florist, nakilala na bagong drug personality (SLI), at residente ng Odiongan, Romblon.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang MDEU ng Odiongan MPS (lead unit), kasama ang PDEA Romblon, RPMFC Odiongan, RID PRO MIMAROPA Romblon CIT, Romblon PDEU/PIU at Maritime Romblon sa coordinasyon ng PDEA MIMAROPA ay nagsagawa ng anti-illegal operations (buy-bust) na nagresulta sa pagkahuli ng nasabing suspek.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer at nakabili sa suspek ng isang heat sealed transparent plastic sachet na may laman na pinatuyong dahon na pinaghihinalaang marijuana kapalit ang halagang isang libong (P1,000.00) piso.
Nakuha pa ng kapulisan sa posesyon ng suspek ang tatlong transparent plastic sachet na naglalaman ng pinatuyong dahon na pinaghihinalaang marijuana, isang libong piso na ginamit sa buy-bust, 5 piraso na tig isang libo (P1,000.00) na pisong papel, at isang kulay itim na mountain bike.
Ang pag-imbentaryo, pagkuha ng mga litrato at pagmarka ay ginawa sa lugar ng operasyon sa harap ng suspek at sinaksihan ng opisyal ng barangay, kinatawan ng media at ng representante mula sa NPS.
Ang hinuling suspek ay dinala sa Romblon Provincial Crime Laboratory para sa kaukulang eksaminasyon at saka isinailalim sa kustodiya ng Odiongan MPS.
Kasong paglabag sa Section 5 and 11 Article II of RA 9165 (The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang inihahandang isampa ng Odiongan MPS sa Korte laban sa inarestong suspek. (Romblon Sun Staff)








Add Comment